Thursday, February 5, 2009

to be continue...

Alas-onse na naman ng gabi, simula ng aking panibagong paglalakbay. Nagbago agad ang paligid ko, hindi sigurado kung ano nga ba ang nangyari. Nakasuot ako ng isang puting damit, hindi ko mawari kung ano nga ba ang tawag dito, kung saan nanggaling. Nakakalipad ako, tanaw ko ang Bonifacio Rd., ang aking dormitoryo, ang aking Unibersidad at ang buong lungsod, ngunit saan nga ba ako patungo?

May nakita ako, isang pabrikang nasusunog, nakuha nito bigla ang aking atensyon at unti-unting lumapit dito. Tumigil ako, hindi ko alam kung bakit kusang gumagalaw ang aking katawan. Gusto kong tumulong pero natatakot ako. Sa aking nga tenga, may bumubulong sa akin, tulungan ko daw sila, at sa hindi mapaliwanag na dahilan ay kusang kumilos ang aking katawan, sumugod sa nasusunog na gusali. Naririnig ko ang mga sigaw na humihingi ng saklolo. Umihip ako ng malakas na hangin, namangha ako, hindi ko alam na kaya ko palang gawin yun. Nakita ko ang mga taong sa aki'y humihingi ng tulong. Dali-dali akong lumapit at sila'y inalalayan palabas ng gusali. Matapos maapula ang sunog, nakahinga ako ng maluwag at sa aking paligid ay natulala. Bayani ang tingin sa akin ng mga tao, nang may biglang tumawag sa akin, hindi ko alam kung saan nanggaling...
..."Kuya, patayin ko na po ba ang ilaw?" tanong sa akin ng roommate ko, saka ko nalaman, nangangarap na naman pala ako. Nang akin ng naramdaman ang antok, napangiti na lang ako at nasabing, "Bukas na lang ulet." 

Monday, February 2, 2009

It's Over...

"Krimen na ba ang pagiging first year?..."
"Nakakabilib talaga mga Pinoy, may kanya-kanyang paraan para malampasan ang problema."

Heto na naman ako, malalim ang iniisip, hindi mawari kung ano ang tumatakbos sa isipan, nakatingin sa isang bagay ngunit hindi ko ito pansin. ito na siguro yung tinatawag nilang nakatingin sa kawalan. Sobrang tahimik ng paligid, ngayon ko lang naintindihan ang mga pinagtagpi-tagping mga salita na madalas kong mabasa sa libro at marinig sa telebisyon, "nakakabinging katahimikan". Ang hirap alamin kung tuluyan na ba akong nabingi o dulot lamang ng katahimikang bumabalot sa apat na sulok ng mess hall, STUDY PERIOD na naman kasi sa aking mahal na dormitoryo.

Pagbaba pa lamang ng bawat interns upang pumunta sa aming final destination kung baga sa pagsapit ng alas-otso ng gabi, mapapansin mo ang pananabik sa mga murang mukha ng mga interns, tipong sobra silang nagagalak, hindi dahil magiging bilanggo na naman sila sa final destination sa loob na dalawang oras, bagkus excited silang matapos na ang mga oras na ito.

Sa loob ng dalawang oras na pagkakulong, isa lang ang nakapintang mukha sa mga preso na nahuli sa krimen ng pagiging first year or new intern. Ito ang batas dito, lahat ng mga bagong pasok ay dapat ma-initiate tulad na lamang sa mga fraternity. Tulad sa isang bilangguan, may warden din na bantay.

Sa aking matagal na pagmamasid, nasaksihan ko ang iba't ibang katauhang kumikilos. May mga ala-Albert Einstein kung saan ang panahong ito ay para lalo nilang pagyabungin ang kanilang kaalaman. Tipong kulang na lang ay magrequest pa sila ng extra utak para may mapaglagyan pa sila. Ang iba ay tipong pinagbagsakan ng langit at lupa na ang tingin nila sa mga oras na yun ay nagkakaroon sila ng isang malagim na bangungot at mukhang mag-eend of the world na. Ang iba eh very optimistic at ang laging iniisip ay malapit ng matapos ang oras ng kanilang paghihirap. Ang iba naman ay mukhang pwede ng maisugod sa mental hospital, hindi na ata kinaya ang pressure sa loob. Karamihan naman ay mukhang nabibigatan sa kaniya-kaniyang ulo dahil kalung-kalung nila ang mga ito. Bilib naman ako sa mga biglang nagiging artista, kunwari nag-aaral, kontodo-todo sa pros na malalaking libro, as if mababasa nila lahat yun sa loob ng dalawang oras at pati katabi niya sa upuan ay dinalhan nia rin ata ng mababasa. Kung may wishing well siguro dito, tiyak hindi lang siguro barya ang makikita mong inihahagis dito. Maski ata papel na pera ay mamamasdang inihuhulog dahil sa paghahangad ng bawat interns na sana mabilis ng umandar ang oras. Bilib talaga ako sa mga Pinoy, may kanya-kanyang paraan para malampasan ang problema.

Saan naman ako nabibilang sa iba't ibang kategroyang ito? Wala ako sa mga nabanggit. Nag-iisa lamang ako, isa akong free lancer, minsan artista, minsan mala-Albert Einstein at minsan pwede na rin akong ihatid sa mental assylum ngunit madalas ay kabilang ako sa grupo ng mga interns na maituturing na susunod sa yapak nina Da Vinci at Shakespeare. Makikita ang iba't ibang talento ng mga taong kabilang dito. May iba't ibang uri ng pagguhit, may mga abstract na hindi mo mawari kung ano ang kanyang ginuhit. Ang iba magaling mag-sketch na pati si warden ay nakuha niyang iguhit. Ang iba'y gumagawa ng kung anu-anong artikulo tulad ko na kung saan-saan napapadpad ang isipan. Ang iba'y love matching siguro ang magiging carreer dahil pinaghuhusay ang kaniyang pagfli-FLAMES sa dalawang tao at ang mga nakakabilib ay ang mga taong pwedeng maging iskultor at maaring sumunod sa mga yapak ni Guillermo Tolentino dahil pati kuko nila ay nahulma nila gamit lamang ang mga ngipin.

Ito ang study period, may mga iba't ibang ekspresiyon, kaniya-kaniyang kilos, iba't ibang pagkatao, pinagsama ng kapalaran. Sa pagsapit ng alas-otso, mundo'y nagbago. Sa pagtatapos ng dalawang oras lahat nananabik, mundo'y unti-unting bumabalik sa dati nitong itsura't anyo. Alas-diyes na ng gabi, ang sentensiya ay naihatol na, lahat nagsasaya, malaya na ulet kami.

Ang Pagbabalik...

Naritong muli, muling maglalathala
Isipa'y naglalaro, muling lumilikha ng
panibagong obra...

Ako'y muling kikilos,
abangan ang muling pagbabalik
at saksihan ang mga pagbabago

Ito ang aking panibagong kabanata...